Maniwala ka o hindi May kapitbahay ako na
Maniwala ka o hindi. May kapitbahay ako na bruha. Ang pangalan niya ay Mrs. Magalit. Patay ang buhok niya. Mala-alambre ito. Malaki ang butas ng kanyang ilong. Matalas siyang tumingin pero maganda ang kanyang ngipin. Puting-puti at kumikinang kung siya’y tumatawa… “Bru-ha-ha-ha…”
Humahagalpak ng tawa si Mrs. Magalit noong nanood siya ng mga komedyang artista sa plasa. “Bru-ha-ha…”
Napabungis si Mrs. Magalit noong nagkuwentuhan sila ni Aling Mila. Kapag natutuwa si Mrs. Magalit sa mga bata, naiipit ang tawa niya. “Bru-hi-hi-hi…” Humahagikhik siya habang kinukurot ang mapintog kong pisngi.
Bakit ko nasabing bruha si Mr. magalit? Hindi dahil mukha siyang bruha at ibang klase siyang tumawa kundi dahil hindi siya pumapasok sa bahay namin kapag may walis sa pintuan. Sabi ni lola, ang mga bruho’t bruha ay takot sa bahay na malinis. Panangga laban sa kanila ay walis tambo sa may pinto. Mayroon pang dahilan. Kaliwang kamay ang pansubo ni Mrs. Magalit. Ganyan daw ang mga bruho’t bruha kung kumain sabi ni lola.
Hindi ako talagang takot kay Mrs. Magalit. Ayoko lang siya makita sa gabi. Kapag malalim na ang gabi at nanonood siya ng TV, nakakikilabot siyang tumawa. “Bru-ho-ho…” Dumadagundong ang mga malulutong niyang halakhak. Para tuloy nararamdaman kong nanginig ang lupa.
Noong minsang nadapa si Mrs. Magalit, lumipad ang mapuputi at makikinang niyang ngipin.
“Bru-ha-ha-ha… Bru-he-he-he… Bru-hi-hi-hi… Bru-ho-ho-ho… Naghagalpakan, hagikhikan at halakhakan ang mga salbaheng taong nakakita sa kaniya. Parang nagmukhang bruho’t bruha sila sa aking paningin.
“Bru-hu-hu…” Humihikbi-hikbi si Mrs. Magalit habang pinupulot ang nabungi niyang postiso. Naawa ako sa kaniya at inalalayan ko siya.
Napadaan kami sa aming bahay at minabuti kong yayain siyang pumasok para makapagpahinga. Nakalimutan kong kalilinis lang ni Nanay at naiwan niya ang walis sa may pintuan. “naku, hindi na ako papasok iha at marumi ang aking tsinelas. ”
Pinilit ko pa rin siyang pumasok at pumayag naman siya. Laking gulat ko nang hindi siya natakot sa walis. Inalok ko si Mrs. Magalit ng meryenda. Ginamit niya ang kaliwang kamay sa pagsubo ng biskwit. “Alam mo iha, nirarayuma itong kanang kamay ko kaya di ko magamit. ”
Napahiya ako. Malingmali ang aking akalang bruha si Mrs. Magalit. Tinitigan ko siya ng husto at aking napuna na matanda na siya. Maputi na ang mukhang patay niyang buhok. Malaki ang butas ng ilong niya dahil medyo hirap siyang huminga. Matalas siyang tumingin dahil malabo na ang kanyang mga mata. “Hay naku, iha. Mahirap tumandang mag-isa. Wala na akong asawa. Walang anak. At walang apong tulad mo. ”
Ang lungkot-lungkot ni Mrs. Magalit kaya binuksan ko ang TV para siya maaliw. Sabay kaming nanood ng komedya. “Bru-ha-ha, ” ang hagalpak niya. “Bru-hehe-he-he, ” ang bungis ko. “Bru-hihi-hi-hi, ” ang hagikhik niya. “Bru-ho-ho-hoho, ” ang halakhak ko. “Bru-hu-hu, ” ang palahaw naming dalawa nang magkandaiyak na kami sa katatawa. Simula noon hindi na bruha ang tawag ko kay Mrs. Magalit kundi…lola.
W A K AS
- Slides: 16