Buwan ng Wikang Pambansa 2013 Tema Wika Natin
Buwan ng Wikang Pambansa 2013 Tema: Wika Natin ang Daang Matuwid
Daang Matuwid: Demistipikasyon ng Katuturan sa Hulagway at Danas ng Panlipunang Pagbabanyuhay Assoc. Prof. Adriano Dela Cruz Balagot Pamantasan ng Lungsod ng Marikina
Pagtahak sa matuwid na landas ang krusada ng Administrasyong ng Pangulong Aquino. Isang pagtatangkang bumalikwas sa malaon nang balikukong sistema ng pamamahalang umiiral sa Pilipinong Bayan. Ideyolohiyang waring suntok sa buwan sa unang tingin sanhi nang malalang sakit ng lipunan.
Waring imposible subalit, higit naman itong mainam kaysa naman walang pagsusulong o pagtatangkang gibain ang matibay na pader ng korapsyon na panahon pa ng mga Kastilang mananakop ay umiiral na sa ating bayan, at sa paglipas nang panahon ay waring isang sakit na patuloy na lumalala bunga nang kawalan ng mga pagtatangkang lapatan ito ng angkop na lunas, ugat na rin marahil nito ang pakinabang na nakukuha sa ganitong kalakaran.
Hindi madali ang pagtatangkang ito, matibay na suhay ang kailangan ng lipunan upang ganap na maituga ang bayan sa pronaos ng katotohanan, katuwiran at paggalang sa karapatang pantao. Isang lipunang ligtas sa mga banta ng salot na likha ng itinuturing na pinakamataas na uri ng hayop na nabubuhay sa daigdig, ang tao. Nilikha ng makapangyarihang mga Kamay upang pamahalaan ang mga nilalang na higit na mababa batay sa kaniyang pagtatakda. Ngunit sa kabila ng kababaang ito batay na rin sa pagtingin ng mga tinatawag na tao, naroroon ang nakakubling katotohanan na ang kanilang pag-iral ay ugat ng pagkakabalanse ng ebolusyon at inbolusyon ng buhay. Sabi nga sa matandang palapahaman (pilosopiya) ng buhay “Everthing Flows, Everything Connects”.
Nauunawaan ng tao ang lahat ng mga danas na ito sa pagitan ng mga negatibo at positibong daloy ng enerhiya ng wika. Wika ang lawas na padaluyan ng pamahalaan upang ipaunawa sa mamamayan ang kaniyang mga layunin na magsusulong ng interes ng mga ito. Malaki at lubhang mahalaga ang gampanin ng wika sa pagtatangka ng pamahalaan na isulong ang krusada nito, ang “daang matuwid”. Ito rin ang nagsisilbing tundos na magsasaysay kung bigo o tagumpay ang pamahalaan sa kaniyang mga balakin para bayan.
Pinatotohanan lamang ng mga naunang pahayag ang laki at lawak ng gahum (kapangyarihan) ng wika. Isang lakas na maaaring magdala sa tao sa pinakamataas na pedestal ng kaligayahan at magbaon sa kaniya sa hades ng kabiguan.
Daang Matuwid sa Bisa ng Salita Pinagsamang unlaping “ma at salitang ugat na tuwid”. Ang “ma” ay isang halimbawa ng di malayang morpema ngunit kapag isinaman sa salitang ugat ay nakapagdaragdag ng denotasyon o konotasyon nito. Ang “tuwid” naman sa kabilang banda ay maikakawing sa porma o pagiging diretso ng isang bagay.
Kung pakasisipating mabuti, ang pagtatagpo ng di malayang morpemang “ma” at malayang morpema o salitang ugat na “tuwid” ay mahihiwatigang nagkaroon ng panibagong kahulugan ang salita. Mula sa pagiging katangian ng isang bagay ay tumawid ang nabuong salita sa pag-uugnay nito sa kaaya-ayang katangian ng tao. Pagiging walang bahid-dungis, may taglay na kaalaman at karunungang na magagamit sa matalinong pagtitimbang-timbang sa pagitan ng mga kabulaanan, katotohanan at katuwiran. Matarong o kadalisayan ng katuwirang hindi pa naabot ng sinoman na pinatotohanan din naman ng mga teksto sa Banal na Kasulatan (Roma 3: 10).
Sa kabilang banda naman, ang ugnzyan ng mga salitang “Daang Matuwid” ay isang signipikasyon lamang ng konotatatibong kahulugan nito. Hindi ito maikakawing sa denotasyon ng salitang tuwid (straight) kahit na ito ay tumutukoy pa sa salitang landas o daan, dahil kung tutuusin, wala naman talagang bagay na maituturing na perpekto ang pagiging tuwid. Anomang bagay na inaakala ng tao na ito ay tuwid batay sa kaniyang sukat at sipat, ang totoo ay hindi talaga ito perpekto. Hindi na kailangang pagtalunan pa ang puntong ito, sapagkat napatunayan na sa pamamagitan ng mga makabagong instrumentong pang-agham ang katotohanan hinggil sa argumentong ito.
Sa pag-uugnay ng denotatibo at konotatibong pagpapakahulugan sa mga salitang bahagi ng islogan ng Administrasyon ng Pangulong Aquino, lutang sa lawas nito ang hulagway (larawan) ng isang abstraktong ideya na maituturing na isang relatibong perspektiba at mahirap o maaaring hindi kakiktaan ng unibersal na pagpapakahulugan. Ito ay sa dahilang mga terminong ginamit patikular ang salitang matuwid ay maaaring magkaroon ng iba’t ibang pagpapakahulugan depende sa interes ng gumagamit ng salita na nagtatakda ng pagitan sa essensiya ng salita at karakter ng tao. Nangangahulugan lamang ito na ang diwa ng salita kung minsan ay pilit na iniaangkop ng tao sa mga sitwasyong paborable sa kaniya.
Magkagayonman, sa likod ng pagkakaiba ng pagsipat at paglalapat ng essensiya at kahulugan ng salita, malinaw na mahihinuha sa mensahe ng islogan ng kasalukuyang Administrasyon ang pahiwatig ng pagbaklas sa iba’t ibang imahe ng korapsyon sa bansa. Isang panimula na kung ganap na maisasakatuparan batay sa taglay na kahulugan at esensiya ng salita ay maituturing na makabuluhang saysay ng pagtatangka tungo sa paghuhunos ng imahe ng pamamahala sa Lipunang Pilipino.
Ang Pagtawid sa Daang Matuwid sa Gitna ng Engkanto ng Ibong Adarna Sa bahaging ito ay hayaang ninyong hiramin ko ang ilang pahayag na binigkas ni Prop. Joel C. Malabanan ng Philippine Normal University sa SALIKSIKAN 2013 na ginanap noong Agosto 2, 2013 sa Pontifical and Royal University of Santo Tomas sa Espaňa, Maynila. Tinuran ni Prop. Malabanan na hanggang sa kasalukuyan ay buhay na buhay pa rin ang kapangyarihan ng Ibong Adarna, isa sa buhay na patunay nito sa kasalukuyan ay ang walang kaabug-abog na pagyakap ng mga kabataang Pilipino sa rumaragasang K-POP. Ayon pa sa kniay, maging ang mga lingkod ng akademiya ay nakikisawsaw na rin sa gusto ng mga kabataang mag-aral.
Kung babalikan natin ang kasaysayan ng ating sintang Pilipinas, mauunawaang hindi lamang tayo miminsang naengkanto ng awit ng Ibong Adarna. Mahihiwatigan ang mga danas na ito sa mga hibla ng kasaysayang ambag ng pagpasok ng mga Kastila, Hapon hanggang sa mga Amerikanong Kolonisador sa ating bansa. Waring naging bato ang daloy ng taal na kultura ng mga puod sa lipunang Pilipino sa mga panahong ito.
. Ang mga banwa (bayan) ay unti-unting niyakap ang tradisyong dala ng mga kolonisador, dahilan upang taal na etnosentrikong kalagayan ng bawat puod ay unti-unting nalusaw sanhi ng malasigwang pagpasok ng mga impluwensiyang dala ng mga taga-Kalunuran (Kanluran). Malinaw ang isinigawang pagsasaysay ni Zeus Salazar sa kaniyang aklat na Pantayong Pananaw hinggil dito, habang si Virgilio Enriquez naman ay sinikap na dalumatin ang mga paksang kaugnay nito sa kaniyang aklat na Sikolohiyang Pilipino.
Bunga na rin marahil ng mga pangamba at mahigpit na sensura sa mga panahon ng pagkakasakop, may mangilan-ngilang manunulat na nagtangkang ikubli sa mga talinhaga ng awit, tula at iba pang mga anyo ng akda ang kanilang mga paghahayag ng mga isyung panlipunan na patuloy na yumuyurak sa dangal ng bayan at mamamayan. Magkagayonman, ang mga pagtatangkang ito ay hindi naging matibay na daan upang makabalikwas ang mamamayan sa mga aninong dala ng mga dayuhan, na bagama’t tapos na ang kanilang pamamalakaya sa mga puod ng Pilipinas ay nag-iwan naman ng mga kultura at tradisyong ang mga impluho ay hindi o mahirap na mabaklas ng panahon.
Sa mga nabanggit na pangkat ng mga kolonisador, ang pinakahuli bagama’t hindi kasing haba ng mga Kastila ang panahong ipinamalagi sa Pilipinas ay masasabing higit ang taglay na lakas nang kapangyarihan ng pagkakaengkanto sa Lipunang Pilipino. Malalim ang pagkakabaon nito sa damadamin at malay (DAMLAY) ng mga mamamayan, mula sa wika, edukasyon at kalan at sistema ng pamumuhay. Mga impluwensiyang tagos sa pagkataong-loob ng mga Pilipino, dahilan upang maging mababa ang kaniyang pagtingin sa mga angking kalinangan at maging sa sariling wika.
Kung sasaysayin nga ang takbo ng pagkataong-loob ng mga Pilipino sa kasalukuyan na naengkanto ng mga kalahi ni Uncle Sam, lilitaw ang katotohanang mga ito na isang lahing taglay ang katawang Oryental ngunit ang diwa ay maka. Kanluran. Waring ipinahihiwatig pa ng ilan sa mga ito na labis-labis ang pagsamba sa wikang dala ng mga sugo ni Uncle Sam, na kapag hindi ka makapagsasalita sa wikang ipinasuso nila sa liping kayumanggi ay mga pagtuturing na ikaw ay mahina o bobo na para bang tanging ang wikang ito lamang pamantayan ng talino ng tao.
Isa pa sa malakas ang kapangyarihan ng dalang engkanto ay ang nabanggit ko na sa unang talata ng bahaging ito ng talakay. Ito ang mabilis na pagpasok ng K-POP sa kamalayan ng mga Pilipino, patikular na ang mga kabataan. Sa katotohanan, maging sa ilang mga programa sa mga institusyon at akademya sa Pilipinas ay mararamdaman ang lakas kapangyarihan ng engkantong dala nito. Maging si Asst. Secretary Dr. Eric Tayag ng Department of Health ay waring libang na libang sa paggamit ng mga nakaeengkantong awitin ng mga Koreanong mangaawit bilang bahagi ng ng isinusulong na mga programa ng naturang Departamento.
Ngunit, sa personal kong pagsasapantaha, maaari rin namang tingnan sa positibong sipat-dalumat ang malasigwang pagpasok na ito ng K-POP sa kamalayan ng mga kabataang Pilipino. Kung magpapatuloy ang ganitong pagpapatianod sa kasalukuyang agos ng kulturang popular na dala ng mga Koreano sa ating bansa, maituturing itong abstraktong pagbalikwas ng kamalayan mula sa mga aninong dala ng mga Kanluranin. Maaari rin itong maging landas patungo sa lagusan ng “Asyanong Pananaw” na sa kalaunan ay posibleng maghawan sa mga balakid ng isang tiyak na daan patungo sa “Pantayong Pananaw”.
Ang mga inihatag sa mga naunang talata ay pawang pagkalahatang konseptong kaugnay ng pagkakaengkanto ng mamamayang Pilipino sa makapangyarihang awit ng Ibong Adarna na nakasakay sa mga ipinayakap na gawi, kultura at tradisyon na dala ng mga kolonisador at ngayon ay pumapasok na rin sa arenang ito ang ilan sa mga karatig bansa natin sa Asya. Mga aninong patuloy na gumagalaw at nagpapagalaw sa sa mga hibla ng kamalayan o pagkataong-loob ng lahing kayumanggi, dahilan upang manatiling bato na waring walang nagtatangkang magbuhos ng tubig upang makalaya sa sumpa ng engkatong na ngayon ay nakabaon sa hulagway ng lahing nanahan sa Lupaing Perlas ng Silangan.
Ang tanong ngayon ay ito. Paanong mapalalaya sa mga pagkakaengkantong ito ang mamamayan ng Pilipinas? Kasama ba ang mga usaping ito sa mga binalangkas na programa ng kasalukuyang administrasyon?
Wika Natin ang Daang Matuwid at ang Buwan ng Wikang Pambansa Sa bisa ng Proklamasyon Blg. 1041 na nilagdan noong Enero 15, 1997 ni dating Pangulong Fidel V. Ramos na nagtatakda nang pagbabago sa haba ng selebrasyon ng Wikang Pambansa. Mula sa kinagawiang Linggo ng Wika ay ginawa na itong Buwan ng Wikang Pambansa na naglalyong higit na mapatatag ang Filipino bilang Wikang Pambansa at upang higit na magkaroon nang sapat na oras at panahon upang maisulong ang mga progrmang pangwika ng bansa.
Nakaangkla sa mismong islogan ng kasalukuyang Administrasyon ang tema para sa selebrasyon ng Buwan ng Wikang Pambansa sa taong ito. “Wika Natin ang Daang Matuwid”, ibinabando ng pamahalaang Aquino bilang tuntungang pahayag ng kaniyang Administrasyon upang sugpuin ang mga tiwaling opisyal at tapusin ang bulok na sistema ng pamamalakad ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno.
Mabigat ang hamon ng mga salitang nakapaloob sa temang inihatag ng KWF, hindi lamang ito tumtugon sa karakter ng tagapamahala manapa’y waring isa rin itong banta para sa mga opisyal na lihis sa tungang prinsipyo ng pamahalaan ang uri ng pamamahala. Ipinahihiwatig din nito na walang puwang sa kasalukuyang pamahalaan ang hindi kaisa at sasabay sa pagtahak sa nabanggit na landas.
Subalit’, ang malaking katanungan ngayon para sa panig ng mga namamahala sa KWF ay kung paano at ano-ano ang mga angkop na programang kanilang isasakatuparan upang makatawid sa Matuwid na Landas ang Filipino bilang isang malakas at matatag na wika ng bansa at pampagtuturo? Hindi lamang ng mga asignaturang Filipino kundi maging ng iba pang mga aralin. Subalit ang ganitong pagtingin ay taliwas sa kasulukuyang realidad, sapagkat tila lumilitaw na sekondaryang wika na lamang Filipino sa akdemya at nakapanganambang tuluyang maglaho sa antas tersaryo pagpasok ng taong 2016 na nagtatakda ng ganap na pagpapatupad ng K to 12 Curriculum ng Departamento ng Edukasyon.
Nasaan kung gayon ang esensiya ng temang ito kung walang paghahatag nang matibay na paninindigan at polisiyang pangwika ang mga tao at ahensiyang kasangkot upang ganap na maisulong ang interes ng Wikang Filipino bilang Pambansang Wika, asignatura at wikang panturo, na una nang nalagay sa kahiya-hiyang estado bunga ng ibinabang language policy ng Administrasyong Arroyo.
Marahil, ang tugon dito ng pamahalaan ay ang programang K to 12.
Nakalulungkot isipin, subalit lantad na katotohanan na ang taunang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa ay waring isang ritwal na lamang bunga ng mga programa ng pamahalaan at mga institusyong akademiko na walang tiyak na direksyon na makapagtutuga sa pagtitiyak ng kalagayan ng Wikang Filipino. Totoong bahagi ng Wikang Filipino ang mga salitang “Daang Matuwid” ngunit nasaan ang kahulugan nito sa mga programa ng pamahalaan kaugnay ng mga isyung pangwika. Kung walang pagkilos na magaganap upang maiayos ang kasalukuyang bakong landas ng Wikang Filipino sanhi nang kawalan nang matatag na polisiyang pangwika ng pamahalaan.
KONKLUSYON
SA DARATING NA PANAHON… Hindi tayo tatanungin sa ganitong paraan: Bakit hindi ikaw si Moises? Manapay ganito katanungan: ang Bakit hindi ka na si Adrian? magiging
Maraming Salamat Po!
- Slides: 32